Kabanata 32
Pamamahala
(Stewardship)

Sa isang naunang kabanata tungkol sa
Sermon sa Bundok ni Jesus, isinaalang-alang natin ang ilang salitang binigkas
ni Jesus sa Kanyang mga alagad tungkols sa pamamahala. Sinabi Niyang huwag
magtipon ng mga kayamanan sa lupa, kundi sa langit. Inilantad Niya, hindi
lamang ang kahangalan ng mga nangangalap ng mga kayamanang pansalamtala, kundi
pati ang kadilimang nasa puso nila (tingnan ang Mt. 6:19-24).
Salapi ang tunay na diyos ng mga nagtitipon
ng panlupang kayamanan, dahil pinagsisilbihan nila ito at ito ang namamahala ng
kanilang buhay. Ipinahayag ni Jesus na imposibleng pagsilbihan ang Diyos at
kayamanan, at malinaw na ipinakikitang kung ang Diyos ang ating tunay na
Pinuno, Siya rin ang Pinuno ng ating salapi. Ang salapi, higit sa anupaman, ay nakikikumpetensya sa Diyos sa puso ng
mga tao. Walang dudang iyan
ang dahilan kung bakit ipinangaral ni Jesus na hindi tayo maaaring maging
alagad Niya hangga’t hindi natin isinusuko ang lahat ng ating ari-arian
(tingnan ang Lu.14:33). Walang pag-aari ang mga alagad ni Cristo. Tagapamahala
lang sila ng pag-aari ng Diyos, at nais ng Diyos na gumawa ng mga bagay gamit
ang Kanyang salapi na umaaninag ng Kanyang katauhan at nagsusulong ng Kanyang kaharian.
Maraming masasabi si Jesus tungkol sa
pamamahala, nguni’t mukhang kadalasang binabalewala ang Kanyang mga salita ng
mga nagsasabing tagasunod Niya. Ang higit na karaniwan ay ang pagbabaluktot sa
Kasulatan upang imbentuhin ang modernong “doktrina ng kasaganaan” sa maraming
hugis nito, tagó o lantaran. Nguni’t ang ministrong tagalikha-ng-alagad ay
nagnanais magturo sa mga tao upang sundin ang lahat ng utos ni Cristo. Kung
gayon, magtuturo siya sa pamamagitan ng kanyang halimbawa at kanyang salita, ang biblikal na pamamahala.
Tingnan natin ang itinuturo ng
Kasulatan tungkol sa pamamahala, at gayundin, ilantad ang ilan sa mga higit na
karaniwang halimbawa ng huwad na aral tungkol sa kasaganaan. Hindi ito
malalimang pag-aaral. Nakasulat ako ng isang buong libro sa paksang ito na
maaaring basahin sa Ingles sa ating website (ShepherdServe.org). Makikita ito
sa pamagat na “Biblical Topics” at ang pangalawang titulong, “Jesus on Money.”
Ang Tagabigay ng Pangangailangan (The Supplier of Needs)
Sa positibong pagsisimula, matatandaan
natin na isinulat ni Pablo, sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu Santo, ang “At buhat sa hindi mauubos
na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa
pamamagitan ni Cristo Jesus” (Fil. 4:19). Ang karaniwang pangakong iyan ay
laging inuulit at inaangkin ng mga Cristiano, nguni’t ano ang konteksto nito? Habang
binabasa natin ang konteksto, matutuklasan natin ang dahilan kung bakit
masyadong nagtitiwala si Pablo nabigay ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng
mga mananampalatayang taga-Filipos:
Gayunman, ikinagagalak ko
ang ginawa ninyong pagtulong sa aking mga
paghihirap. Alam naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesiang nakahati ko sa hirap at
ginhawa nang umalis ako sa Macedonia noong ako’y nagsisimula pa lamang sa
pangangaral ng Magandang Balita. Noong
ako’y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong.
Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay
makatanggap kayo ng masaganang gantimpala. Narito ngayon ang katibayan ng
labis-labis na kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa pangangailangan ko ang tulong ninyo sa akin na hatid ni
Epafrodito. Ang mga ito ay tulad ng mabangong handog sa Diyos, mga alay na
katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa kanya. At buhat sa hindi mauubos na
kayamanan ng Diyos, ibibigay Niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan
ni Cristo Jesus (Fil. 4:14-19, idinagdag ang pagdidiin).
Natitiyak ni Pablo na talagang ibibigay
ni Jesus ang mga pangangailangan ng mga taga-Filipos dahil natupad nila ang
kundisyon ni Jesus: inuuna nila ang kaharian ng Diyos, na pinatutunayan ng
kanilang handog kay Pablo upang makapagpatuloy siya sa pagtatanim ng mga iglesia. Tandaan na sa Kanyang Sermon
sa Bundok, sinabi ni Jesus,
Alam na ng inyong Ama na
nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Nguni’t higit sa lahat ay
pagsikapan ninyo na kayo’y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang
kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan (Mt.
6:32-33).
Kaya makikita natin na ang pangako ni
Pablo sa Filipos 4:19 ay hindi angkop sa bawa’t Cristianong nag-uulit at nag-aangkin
nito. Bagkus, angkop lang ito sa mga pinangungunahan ang paghahanap sa kaharian
ng Diyos.
Ano ang Talagang Kailangan Natin? (What Do We Really Need?)
Mayroon pa tayong matututuhan sa
pangako ni Jesus sa Mateo 6:32-33. Kung minsan ay nahihirapan tayong ibukod
kung ano ang ating mga pangangailangan at ano ang ating mga gusto. Nguni’t
nilinaw ni Jesus kung ano ang ating mga pangangailangan. Ang sabi Niya, “Alam na ng
inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan.”
Ano ang mga “bagay” na iyon na
tinutukoy ni Jesus na idadagdag sa mga nangungunang naghahanap ng Kanyang
kaharian at katuwiran? Ito ay pagkain, inumin, at kasuotan. Walang sasalungat
na, dahil iyan ang sinabi ni Jesus bago binigkas ang naturang (tingnan ang Mt.
6:25-31). Ang pagkain, inumin at kasuotan ang tanging tunay na materyal na
pangangailangan. Sa katunayan, ang mga iyon lang ang taglay ng mga naglalakbay
na alagad.
Malinaw na umaayon din si Pablo sa
depinisyon ni Jesus sa kung ano ang ating pangangailangan, na isinulat niya kay
Timoteo:
Kung sabagay, malaki nga
ang mapapakinabang sa relihiyon kung ang tao’y marunong masiyahan. Wala tayong
dalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis
dito. Kaya nga’t, dapat na tayong masiyahan
kung tayo’y may kinakain at isinusuot. Ang mga nagnanasang yumaman ay
nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasamang hangaring magtutulak sa
kanila sa kamatayan at kapahamakan. Sapagka’t ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng
lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa
pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian (1 Tim. 6:6-10, idinagdag
ang pagdidiin).
Naniniwala si Pablo na ang pagkain at
kasuotan ang tanging materyal na pangangailangan, kung hindi, hindi sana niya
sinabi na kailangan nating makuntento kung mayroon tayo ng mga iyon. Inaakay
tayo niyan sa bahagyang naiibang perspektiba tungkol sa pangako niya sa mga
taga-Filipos na ibibigay lahat ng Diyos ang kanilang pangangailangan! Sa
pagpapalawig ng ilang ministro sa bersong iyon, maiisip mong ang sinasabi ay,
“Ibibigay ng aking Diyos ang lahat ng inyong katakawan!” Dagdag pa, kung kuntento lang tayo sa
pagkain at kasuotan, gaano pa kaya ang ating pagkakuntento sa talagang mayroon
tayo, na sa karamihan sa atin ay higit pa sa pagkain at kasuotan?
Di Pagkakuntento (Discontentment)
Ang problema natin ay akala natin
nangangailangan pa tayo nang higit pa. Alalahanin ang katotohanang noong
nilikha ng Diyos sina Adan at Eva, wala silang pag-aari, nguni’t nakatira sila
sa paraiso. Malinaw na hindi intensyon ng Diyos na manggaling ang kaligayahan
natin sa pangangalap ng materyal na mga bagay. Naisip na ba ninyo na kailanman
ay hindi binuksan ni Jesus ang isang gripo o tumindig sa ilalim ng shower sa
isang banyo? Kailanman ay hindi niya nilabhan ang
kanyang kasuotan sa washing machine; kailanman ay hindi Niya binuksan ang
pintuan ng isang refrigerator. Hindi Siya kailanman nag-drive ng isang sasakyan
ni nagbisikleta. Kahit minsan ay hindi Siya nakinig sa radyo, hindi Siya
nakipag-usap sa telepono, hindi nagluto ng pagkain sa isang stove, o nangaral
gamit ang public address system. Kailanman ay hindi Siya nanood ng video o
telebisyon, ni nagbukas ng de-koryenteng ilaw, o nagpalamig sa harap ng air
conditioner o electric fan. Wala siyang relo. Wala siyang cabinet na puno ng
damit. Paano Siya naging maligaya?
Sa Estados Unidos (at marahil pati rin sa inyong bansa), tinutuligsa
tayo ng mga advertisements na nagpapakita sa atin kung paano naliligayahan ng
mga tao dahil sa kanilang mga bagong materyal na ari-arian.
Dahil diyan, tayo ay naliliwanagan (o “pinanlalabuan ng utak”) na isiping ang
kaligayahan ay nanggagaling sa pagkakaroon natin ng higit na marami, at kahit
na gaano ang ating nakakamal, hindi tayo nakukuntento. Ito ang tinutukoy ni Jesus
na “pagkahumaling sa kayamanan” (Mt. 13:22). Ipinangangako ng mga materyal na
bagay ang kaligayahan bagama’t madalang na tumutupad sa pangako. At sa
pakikisali natin sa magulong labanan ng sanlibutan upang higit na magkamal ng materyal
na bagay, sa katunayan ay nagiging tagasamba tayo ng diyus-diyosan, alila ng
salapi, na nakakalimot sa Diyos at ng Kanyang mahahalagang utos na mahalin Siya
nang lubusan pati na ang ating mga kapwa na tulad ng pagmamahal natin sa
sarili. Nagbabala sa Israel ang Diyos tungkol dito:
Huwag ninyong kalilimutan
si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang Kanyang mga utos at mga tuntunin.
Kung kayo’y namumuhayna nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, at
marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, huwag kayong
magmalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa
pagkaalipin sa bansang Egipto (Deut. 8:11-14).
Gayundin, nagbabala si Jesus
na “ang pagkahumaling sa kayamanan” ay maaaring sumakal sa espiritwal na buhay
mula sa isang tunay na mananampalatayang pinayagang malihis ang sarili (tingnan
ang Mt. 13:7, 22). Nagbabala si Pablo na “ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng
lahat ng uri ng kasamaan,” at sinasabing “may mga taong nalalayo sa
pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian” (1 Tim. 6:10).
Pinapayuhan tayo ng autor
ng aklat ng Hebreo, “Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa
anumang nasa inyo. Sapagka’t sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan
man’” (Heb. 13:5). Patikim lamang ang mga ito sa mga babala ng Kasulatan
tungkol sa panganib ng kayamanan.
Kapag Pinuno ang Salapi (When Money is Master)
Marahil ay wala nang hihigit pang
sukatan ng ating relasyon sa Diyos kundi ang pakikiugnay natin sa salapi.
Salapi—ang panahon at ang paraan ng pagkuha nito, at ang ginagawa natin
dito pagkatapos nating makuha—ay nagbubunyag ng ating espiritwal na
pamumuhay. Ang salapi, kapag taglay natin at kahit di natin taglay, ang
nagpapainit ng tukso higit sa ano pa man. Ang salapi ang maaaring magsadlak sa atin upang huwag sundin
ang unang dalawang dakilang utos, dahil maaaring maging diyos ito na hihigit pa
sa tanging Diyos at maaari tayong akitin upang mahalin ang ating sarili nang
higit pa sa ating kapwa. Sa kabilang dako, magagamit ang salapi upang patunayan
ang pag-ibig natin sa Diyos at sa ating kapwa.
Minsan ay isinalaysay ni Jesus
ang talinhaga tungkol sa isang taong pinahintulutan ang salaping pamahalaan
siya, sa halip na ang Diyos:
Isang mayaman ang umani
nang sagana sa kanyang bukirin. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin
ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! ipagigiba ko
ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang
aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili,
marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya’t magpahinga ka na lamang,
kumain, uminom, at magpasarap sa buhay! Nguni’t sinabi sa kanya ng Diyos,
‘Hangal! Sa gabi ring ito’y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta
ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ ganyan ang sasapitin ng sinumang
nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, nguni’t dukha naman sa paningin ng
Diyos” (Lu. 12:16-21).
Inilarawan ni Jesus ang mayamang taong
ito bilang isang hangal. Bagama’t nabiyayaan ng kalusugan, mayamang bukirin at
karunungan sa pagsasaka, hindi niya kilala ang Diyos, kaya sana’y hindi niya
itinago ang sumobrang ari-arian upang magpasarap sa buhay. Bagkus, hinanap sana
niya ang kalooban ng Panginoon sa kung ano ang gagawin sa kanyang pagpapala,
dahil alam niyang tagapamahala lang siya ng pag-aari ng Diyos. Siyempre, nais
ng Diyos na ipamahagi niya ang kanyang kasaganaan at magpatuloy sa kanyang
gawain upang maipagpatuloy ang pamamahagi ng kanyang kasaganaan. Marahil ang tanging
katanggap-tanggap na gagawin ay huminto sa pagsasaka at gugulin ang lakas sa
isang ministeryo, kung iyan ang itinawag ng Diyos na gagawin niya.
Ang mayamang magsasaka sa talinhaga ni
Jesus ay nagkaroon ng malaking kamalian sa pagkalkula
ng petsa ng kanyang kamatayan. Ipinagpalagay niya na mabubuhay pa siya nang
maraming taon, bagama’t ilang oras na lang pala ang nalalabi sa kanyang buhay.
Hindi maaaring ipagkamali ang punto ni Jesus: kailangan nating mabuhay bawa’t
araw na parang huling araw na ito, laging handang haharap sa Diyos upang
magbigay ng salaysay.
Dalawang Perspektiba (Two Perspectives)
Iba talaga ang perspektiba
ng Diyos sa tao! Ang mayamang tao sa talinhaga ni Jesus ay maaaring
kinaiinggitan ng maraming nakakikilala sa kanya, nguni’t kinaawaan siya ng
Diyos. Mayaman siya sa mata ng mga tao, nguni’t mahirap sa tingin ng Diyos. Tinipon
sana niya ang kayamanan sa langit, na magiging kanya magpakailanman, nguni’t
pinili niyang tipunin ito sa lupa kung saan walang silbi ito sa kanya sa oras
ng kanyang kamatayan. At ayon sa itinuro ni Jesus tungkol sa mga taong greedy, mukhang
hindi maaaring nais ni Jesus na isipin natin na pumunta sa langit ang mayamang
tao nang mamatay siya.
Dapat tulungan tayo ng
talinhagang ito upang tandaan na lahat ng pag-aari natin ay kaloob ng Diyos, at
inaasahan Niya tayong maging matapat na tagapamahala. Angkop ito, hindi lamang
sa mga nagtataglay ng materyal na kayamanan, kundi sa sinuman at lahat ng
natutuksong lubhang pahalagahan ang mga materyal na bagay. Nilinaw ito ni Jesus
sa pagpapatuloy ng pakikipag-usap Niya sa Kanyang mga alagad:
Sinabi pa ni Jesus [ibig
sabihin, ang sasabihin Niya sa kanila ay batay sa nasabi na Niya] sa Kanyang
mga alagad, “Kaya’t sinasabi Ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong
pagkain para mabuhay o tungkol sa damit na ibibihis sa inyong katawan,
sapagka’t ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa
damit. Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala
rin silang bodega o kamalig; nguni’t pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong
mahalaga kaysa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang
kahit isang oras sa pamamagitan ng pangangamba? Kung hindi ninyo magawa ang
ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nangangamba tungkol sa ibang mga bagay?
Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang at unawain kung paano sila lumalago.
Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Nguni’t sinasabi ko sa inyo, kahit si
Solomon, sa kabila ng kanyang kayamanan, ay hindi nakapagdamit ng kasingganda
ng isa sa kanila. Kung dinaramtan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy
ngayon at kinabukasa’y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong
pananampalataya sa kanya! Kaya’t huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo
kukuha ng kakanin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito
ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na
kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subali’t pagsikapan muna nang higit sa lahat
na kayo’y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong
pangangailangan.” “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagka’t ikinalulugod
ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong
ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga
sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi
nawawala. Doo’y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira.
Sapagka’t kung nasaan ang inyong
kayamanan ay naroon din ang inyong puso” (Lu. 12:22-34).
Talagang salungat ang mga salita ni Jesus sa sinasabi ng mga
modernong “mangangaral ng kasaganaan”! Ngayon sinasabihan tayo na gusto ng
Diyos na magkaroon tayo ng higit pa, samantalang sinabi ni Jesus sa kanyang mga
alagad na ipagbili nila ang kanilang ari-arian at ibigay ang pinagbilhan sa mga
nangangailangan! Muli ibinunyag Niya ang kahangalan ng mga taong nagtitipon ng
kayamanan sa lupa—kung saan nakatalagang mawala ang mga naturang
ari-arian, at kung saan nananahan ang puso ng mga may-ari-ng-kayamanan.
Pansinin na iniangkop ni Jesus ang aral
ng hangal na mayaman sa mga kakaunti ang pag-aari upang matukso silang mabahala
tungkol sa pagkain at kasuotan. Ang pagkabahala sa mga naturang bagay ay
nagkakanulong mali ang ating pokus.
Kung nagtitiwala tayo sa ating butihing Ama na tulad ng dapat, hindi
tayo mababahala, at ang saloobing hindi pagkabahala ang nagpapalaya sa ating
upang tumuon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Ang Halimbawa ni Cristo (Christ’s Example)
Marami pang ibang gustong sabihin si Jesus
tungkol sa salapi. Nguni’t itinuro niya ito, na siyang dapat gawin ng bawa’t
ministrong tagalikha-ng-alagad, sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa.
Ipinangaral Niya ang Kanyang ginagawa. Paano namuhay si Jesus?
Hindi nagkamal ng makalupang kayamanan
si Jesus, kahit na madali sana Niyang pinagsamantalahan ang Kanyang sitwasyon
at naging lubhang mayaman. Maraming marurunong na ministro ang maling
nagpapalagay na kung nang-aakit ng salapi ang kanilang ministeryo ay nais ng
Diyos na yumaman ang kani-kanilang sarili. Nguni’t hindi ginamit ni Jesus ang
Kanyang paghirang para sa pansariling pakinabang. Ang salaping ibinigay sa
Kanya aay ginamit upang lumikha ng mga alagad. Ipinagkaloob pa Niya ang
pangangailangan ng Kanyang naglalakbay na kasamahang inalagad Niya.
[1]
Sa ating panahon, ang mga batang
alagad ay kadalasang nagbabayad upang bigyang-aral ng mga higit na namumunong
ministro sa mga Bible school. Nguni’t ipinakita ni Jesus ang kabaligtaran!
Namuhay rin si Jesus ng isang buhay na
nagtitiwala, nananalig na ibibigay ng Kanyang Ama ang lahat ng Kanyang
pangangailangan at pagpalain Siya upang maibigay Niya ang pangangailangan ng
iba. Kung minsan naaanyayahan Siya sa mga pagtitipon upang maghapunan, at kung
minsan naman ay makikita natin Siyang kumakain ng hilaw na butil mula sa isang
palayan (tingnan ang Lu. 6:1).
Sa hindi bababa sa dalawang beses
nagdulot Siya ng pagkain sa libu-libong taong dumating upang makinig sa Kanya.
Ibang-iba ito sa modernong kumperensyang Cristiano kung saan lahat ng nais
makapakinig sa mananalita ay kailangang magbayad ng entrance fee! Tayong
nagbibigay ng libreng pagkain para sa mga dumadalo sa kumperensya ng mga
ministro ay tinutuya pa kung minsan dahil sa “pagbayad ng mga taong makikinig
sa atin.” Sa realidad, sinusunod lang natin ang modelo ni Jesus.
Kinalinga rin ni Jesus ang mga
mahihirap, dahil may itinatagong lalagyan-ng-pera ang Kangyang grupo na
pinagkukunan nila ng ipinamimigay. Ang pagbigay sa mga mahihirap ay karaniwang gawain sa
ministeryo ni Jesus at nang sinabi Niya kay Hudas na magmadali habang lumilisan
Siya mula sa Banal na Hapunan, lahat ng ibang alagad ang nagpalagay na maaaring
bibili si Hudas ng pagkain para sa kanilang grupo o magbibigay ng pera sa mga
mahihirap (tingnan ang Jn. 13:27-30).
Tunay na mahal ni Jesus ang Kanyang
kapwa tulad ng pagmamahal sa Sarili Niya, kaya simple Siyang namuhay at
nagpamahagi. Hindi Niya kinailangang magsisi sa pangangaral ni Juan na
Tagapagbautismo na nagsabing, “Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo
ang isa sa wala” (Lu. 3:11). Isa lang ang balabal ni Jesus.
Ngunit ilang mangangaral ang nagtatangkang kumbinsihing tayo sa pagsasabing
mayaman si Jesus dahil nagsusuot Siya ng walang dugtong na panloob na kasuotan
(tingnan ang Juan 19:23), damit na sinasabing isinusuot lang ng mga mayayaman. Kamangha-manghang
nakakahanap ng kahalagahan sa isang biblikal na pahayag kung nais patunayan ng
isang tao ang nagsasalungat sa maraming ibang pahayag!
Kung gayon ay ipagpalagay na rin natin ang parehong walang katotohanang
kongklusyong tinatangkang itago ni
Jesus ang Kanyang kayamanan, dahil hindi rin Siya nagsusuot ng walang dugtong
na panlabas na damit.
Higit
pa ang masasabi ni Jesus tungkol sa salapi na hindi na sapat ang ating espasyo
upang pag-aralan. Nguni’t tingnan pa natin ang ilan sa mga higit na karaniwang
aral ng modernong mangangaral ng kasaganaan na magaling sa pagbabaluktot ng mga
kasulatan at mandaya sa mga mapaniwalaín.
“Pinayaman ng Diyos
si Solomon” (“God Made Solomon Rich”)
Ito
ang katwirang ginagamit ng maraming mangangaral ng kasaganaan upang ikubli ang
kanilang kasakiman. Hindi nila natatandaang may dahilan ang Diyos sa pagbibigay
ng kayamanan kay Solomon. Ang dahilan ay, nang ipangako ng Diyos kay Solomon na
ibibigay Niya ang anumang kahilingan, humingi si Solomon ng karunungang
pamahalaan ang mga tao. Lubhang nasiyahan ang Diyos na hindi humingi si Solomon
ng kayamanan (maliban sa iba pa) kaya bilang karagdagan sa karunungan, binigyan
rin Niya siya ng kayamanan. Nguni’t hindi ginamit ni Solomon ang dulot-ng-Diyos
niyang karunungan na siyang nais ng Diyos, kaya siya naging pinakahangal na
taong nabuhay. Kung naging marunong sana siya, sinunod sana niya ang sinabi ng
Diyos sa Israel sa Kautusan bago pa man siya ipanganak:
Maaari kayong maglagay ng
hari, nguni’t ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong
lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. Ang gagawin ninyong
hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya
maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo,
sapagka’t ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. Hindi siya
dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya
dapat magpayaman sa panahon ng paghahari (Deut. 17:15-17).
Narito ang isa pang
kasulatang laging ipinagwawalambahala ng mga mangangaral, na sinusunod ang
halimbawa ni Solomon na hindi rin pumansin dito at naging dahilan ng kanyang
pagkamatay. At tulad niya, sumamba rin sila sa mga diyus-diyosan. Tandaan na
nalihis ang puso ni Solomon upang akayin siya ng marai niyang asawa upang
sumamba sa diyus-diyosan, mga asawang nakayanan niyang suportahan dahil sa
maling paggamit ng kanyang kayamanan.
Binalak ng Diyos na gamitin
ni Solomon ang kaloob-ng-Diyos niyang kayamanan upang mahalin ang kapwa tulad
ng pagmamahal niya sa sarili, nguni’t ginamit iyon ni Solomon upang mahalin
lamang ang kanyang sarili. Pinarami niya ang ginto, pilak, kabayo at asawa para sa kanyang sarili,
na pagsuway sa utos ng Diyos. Sa huli nag-asawa siya ng pitong daang asawa at
nagkaroon ng tatlong daang kerida, na ganap na pinagnakawan ang isang libong
lalaki ng kani-kanilang asawa. Sa halip na magbigay sa mahihirap, nagpakasarap
si Solomon sa sarili niya. Kamangha-manghang tinitingala ng mga mangangaral ng
kasaganaan si Solomon bilang modelo sa bawa’t Cristianong Bagong Tipan kung
titingnan ang kanyang pagkamakasarili at lantarang pagsamba sa diyus-diyosan.
Hindi ba’t ang layunin natin ay maging tulad ni Cristo?
“Pinayaman ng Diyos si Abraham, at ang mga Pagpapala ni Abraham ay
Ipinangako Sa Atin” (“God Made Abraham Rich, and Abraham’s Blessings Are
Promised To Us”)
Ang karaniwang katwirang
ito ay inimbento mula sa mga salita ni Pablo na nakikita sa pangatlong kabanata
ng Mga Taga-Galacia. Uulitin ko
ang laging maling-inuulit na berso, nguni’t ilalagay ko sa konteksto:
Bago pa ito nangyari ay
ipinahayag na ng kasulatan na ipawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa
pamamagitan ng kanilang pananalig sa Kanya at ang Magandang Balitang ito
inihayag kay Abraham, “Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng
bansa.” Sumampalataya sa Diyos si Abraham kaya’t siya’y pinagpala, at pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng
nananalig sa Diyos.
Ang lahat ng umaasa sa mga
gawa ayon sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagka’t nasusulat,
“Sumpain ang hindi sumusunod at hindi gumagawa ng lahat ng nakasulat sa aklat
ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa
pamamagitan ng Kautusan, sapagka’t sinasabi ng kasulatan, “Ang pinawalang-sala
ay mabubuhay dahil sa pananampalataya. Ang Kautusan ay walang kinalaman sa
pananampalataya sa Diyos, sapagka’t sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa
lahat ng hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” Tinubos
tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin,
sapagka’t nasusulat, “Isinumpa ang bawa’t ibinitin sa punongkahoy.” Ginawa ito
ni Cristo upang ang mga pagpapalang
ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni
Cristo Jesus (Gal. 3:8-14, idinagdag ang pagdidiin).
Ang “pagpapala ni Abraham” na isinulat
ni Pablo sa berso 14 ay ang pangako ng Diyos kay Abraham upang pagpalain ang
lahat ng bansa sa kanya (na inulit ni
Pablo sa berso 8), o higit na ispesipiko, tulad ng pagpapaliwanag ni Pablo
makaraan lang ang ilang berso, at sa
iyong supling, na iisa ang tinutukoy at ito’y si Cristo (Gal. 3:16). Ayon
sa kababasa lang natin, ibinigay ni Jesus ang ipinangakong pagpapala sa lahat
ng mga bansa sa pamamagitan ng pagtanggap ng sumpa ng Diyos, pagkamatay para sa
kasalanan ng sanlibutan sa krus. Kaya ang “ang pagpapala ni Abraham papunta sa
mga Hentil” ay hindi tungkol sa pagbibigay ng Diyos ng kayamanan sa mga Hentil
tulad ng kay Abraham, kundi tungkol sa pangako ng Diyos kay Abrfaham upang
pagpalain ang mga bansang Hentil sa pamamagitan ng Kanyang supling—at ang
pagtupad dito ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus para sa
kanila. (Ang umiiral na tema ni Pablo dito ay ang maligtas ang mga Hentil ng
pananampalataya, tulad ng mga Judio, sa pamamagitan ng pananampalataya kay
Jesus.)
Isa Pang Pagbabaluktot (Another Twisting)
Ang pahayag ding ito ay laging
ginagamit sa ibang paraan ng mga mangangaral ng kasaganaan upang pangatwiranan
ang kanilang doktrina. Sinasabi nila iyan, dahil ipinangako ng kautusan ang
sumpa ng kahirapan sa mga hindi sumusunod (tingnan ang Deut. 28:30-31, 33, 38-40, 47-48, 51,
68), at dahil isinulat ni Pablo, “Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng
kautusan” sa Galacia 3:13, tayong na kay Cristo ay tinubos mula sa sumpa ng
kahirapan.
Una, mapagtatalunang iniisip ni Pablo
ang mga ispesipikong sumpang nakikita sa Deuteronomio 28 nang sumulat siya
tungkol “sa sumpa ng kautusan” kung saan tinubos tayo ni Cristo. Pansinin na
hindi sinabi ni Pablo na tinubos tayo ni Cristo mula sa “mga sumpa” (maramihan)
ng kautusan, kundi ang “sumpa” ng kautusan, isahan, marahil ay ipinapahiwatig
na ang buong kautusan ay isang sumpa sa mga nagtatangkang humanap ng kaligtasan
sa pagsunod nito, sa oras na natubos tayo ni Cristo, hindi na tayo
magkakamaling tangkaing iligtas ang ating sarili sa pagsunod sa kautusan, kay
sa puntong iyan tayo’y “tinubos mula sa sumpa ng kautusan.”
Kung talagang sinasabi ni Pablo na
tinubos tayo ni Cristo mula sa bawa’t kahirapang nakatala sa Deuteronomio 28, at
kung gayon ay tinitiyak ang ating materyal na kasaganaan, magtataka tayo kung bakit
minsan ay nagsulat si Pablo tungkol sa kanyang sarili, “Hanggang sa oras na ito, kami’y
nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami’y pinapahirapan at walang matirhan” (1 Cor. 4:11). Magtataka rin tayo kung bakit isusulat ni
Pablo,
Sino ang makapaghihiwalay
sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig,
pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? Ayon sa nasusulat, “Dahil pos a
inyo’y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay”
(Ro. 8:35-36).
Malinaw na hindi sana isinulat ni Pablo
ang mga salitang iyon kung di kasali ang mga Cristiano sa paghihirap,
pagmamalupit, taggutom, kahubaran, panganib o tabak dahil sa pagkakatubos ni
Cristo sa atin mula sa sumpa ng kautusan.
Magtataka rin tayo kung bakit una nang
inihayag ni Jesus ang sumusunod na eksena sa langit,
Kaya’t sasabihin ng Hari sa mga nasa
kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin
ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. Sapagka’t
ako’y inyong pinakain noong ako’y nagugutom; ako’y inyong pinainom noong ako’y
nauuhaw. Ako’y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong
dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’ “Sasagot ang mga matuwid,
‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw
at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y
walang maisuot at aming dinamitan? At kailan po naming kayo nakitang nagkasakit
o nabilanggo at kayo’s aming dinalaw?’ “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad
ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.’ (Mt. 25:34-40, idinagdag
ang pagdidiin).
Kaya walang dudang ang
ilang mananampalatayang “tinubos mula sa sumpa ng kautusan” ay malalagay sa
sitwasyong hindi-gaanong-masagana. Nguni’t pansinin na sa mga kalagayang puno
ng pagsubok na inilarawan ni Jesus, ibinigay ng Diyos ang pangangailangan ng
mga nahihirapang mananampalataya, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng ibang
mananampalatayang mayroong higit sa kailangan nila. Lagi nating aasahang ibibigay ng Diyos ang ating kailangan, kahit na
mukhang pansamantalang hindi.
Sa pagtatapos, ang mga
mangangaral ng kasaganaan na iyon na nais maging mayamang tulad ni Abraham ay
dapat na matapat na magtanong kung nais nilang mamuhay sa isang tolda sa buong
buhay nila na walang koryente o tubig! Ang mga pinagpala ng Diyos ng anumang
laki ng kayamanan sa Lumang Tipan ay inasahang gamitin ang kanilang kayamanan
para sa kaluwalhatian ng Diyos, ipinamamahagi ang kanilang kasaganaan at
pinaglalaanan ang iba. Ito ang ginawa ni Abraham, nagdulot ng trabaho sa
daan-daang tao na siyang nagbigay ng kanilang pangangailangan (tingnan ang Gen.
14:14). Ginawa rin ito ni Job, na tumestigong ginamit ang kanyang kayamanan
upang kalingain ang mga balo at ulila (Job 29:12-13, 31:16-22). Ang mga
biniyayaan upang makapagpatayo ng negosyo ay dapat tiyaking ang kanilang pangunahing
gawain ay sundin ang Diyos at ibigin ang kapwa tulad ng sarili nila.
“Sinasabi ng Kasulatan na Naging Mahirap si
Jesus Upang Yumaman Tayo” (“Scripture Says That Jesus Became Poor So That We
Could Become Rich”)
Totoong sinasabi ng Biblia,
Hindi kaila sa inyo ang
kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kahit na mayaman, naging
mahirap siya upang mapayaman kayo sa pamamagitan ng Kanyang pagiging mahirap (2
Cor. 8:9).
Pinagtatalunan na dahil ang
kasulatang ito’y malinaw na nangangahulugang si Jesus ay materyal na mayaman sa langit at naging materyal na mahirap sa lupa, kung gayon ang materyal na kayamanan ang nasa isip ni Pablo nang isulat niyang
maaaring maging mayaman ang kanyang
mga mambabasa sa pamamagitan ng kahirapan ni Cristo. Sinasabi nilang kung ang
tinutukoy ni Pablo ay materyal na
kayamanan at kahirapan sa unang bahagi ng berso, hindi sana niya tinutukoy ang espiritwal na kayamanan sa pangalawang
bahagi.
Nguni’t kung ang totoong
ibig sabihin ni Pablo ay magiging mayaman tayo sa materyal na bagay dahil sa
materyal na kahirapan ni Cristo, magtataka tayo kung bakit sumunod ay nagsulat
siya ng kakaunting berso sa parehong sulat,
Naranasan ko rin ang labis
na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan
ko ang ginawin nguni’t wala man lamang maibalabal (2 Cor. 11:27).
Kung ibig sabihin ni Pablo
sa 2 Corinto 8:9 na naging mahirap si Cristo sa materyal na bagay upang maging
mayaman tayo sa materyal na bagay, ang intensyon ni Cristo ay tunay na hindi nagaganap
sa buhay ni Pablo! Kaya malinaw na hindi ibig
sabihin ni Pablo na naging mahirap sa materyal na bagay si Cristo upang maging
mayaman tayo sa materyal na bagay dito sa lupa. Ang ibig niyang sabihin ay
magiging espiritwal na mayaman tayo, “mayaman patungo sa Diyos,” isang paghiram
sa ekspresyong ginamit ni Jesus (tingnan ang Lu. 12:21), at mayaman sa langit
na kinaroroonan ng ating kayamanan at puso.
Ligtas bang ipagpalagay na
dahil tinutukoy ni Pablo ang materyal na
kayamanan sa isang bahagi ng pangungusap na hindi maaaring tukuyin niya ang espiritwal na kayamanan sa ibang bahagi
ng pangungusap, na siyang inaangkin ng mga mangangaral ng kasaganaan? Tingnan
ang sumusunod na salita ng Jesus na patungkol sa ilan sa Kanyang mga tagasunod
sa lunsod ng Smyrna:
Alam kong mahirap ka,
nguni’t ang totoo’y mayaman ka…(Pah. 2:9a).
Alinaw na ang tinutukoy ni Jesus
ay materyal na kahirapan na
nararanasan ng mga mananampalataya sa Smyrna, at apat na salita pagkatapos,
binabanggit Niya ang espiritwal na
kayamanan ng parehong mananampalataya.
“Ipinangako ni Jesus ang Sandaang-Ulit na Balik ng Ating Pagbibigay” (“Jesus
Promised a Hundred-Fold Return on Our Giving”)
Talagang ipinangako ni Jesus
ang sandaang-ulit na balik doon sa gumagawa ng tanging pagsisikap. Basahin
natin ang eksaktong sinabi Niya:
Tandaan ninyo: ang sinumang
nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain,
dahil sa akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang
ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, at mga lupain, nguni’t
may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na
walang hanggan (Mc. 10:29-30).
Pansinin na hindi ito pangako sa mga
nagbibigay ng salapi sa mga mangangaral, na tulad ng inaangkin ng mga
nangangaral ng kasaganaan. Bagkus, ito ay isang pangako sa mga nag-iiwan ng
kanilang tahanan, lupain at kamag-anak upang mangaral ng magandang balita sa
malalayong pook. Ipinangako ni Jesus sa mga naturang tao “ang sandaang ulit na
dami ngayon sa kasalukuyang panahon.”
Nguni’t nangangako ba si Jesus na ang
mga naturang tao ay magiging literal na may-ari ng isandaang bahay o lupain na
siyang inaangkin ng mga nangangaral ng kasaganaan? Hindi, hindi na hihigit sa
pagpapangako Niyang ang mga taong ito ay magkakaroon ng isandaang literal na
ina ang isandaang literal na anak. Sinasabi lang ni Jesus na malalaman ng mga
nag-iiwan ng tahanan at pamilya na bubuksan ng kapwa nila mananampalataya ang
kanilang tahanan at patutuluyin silang parang pamilya sa loob ng kanilang
mag-anak.
Pansining ipinangako rin ni Jesus ang
pag-uusig at buhay na walang-hanggan sa naturang mga tao. Ipinaaalala nito sa
atin ang konteksto ng buong pahayag, kung saan nakita ng mga alagad ang isang
mayaman at batang namumunong nais magtamo ng buhay na walang-hanggan at
malungkot na lumayo nang ipahayag ni Jesus, “Mas madali pang dumaan ang kamelyo
sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos” (Mc. 10:25).
Nayanig ang mga alagad sa
pahayag ni Jesus, at nakapag-isip ng kanilang sariling pagkakataong mapabilang
sa kaharian ng Diyos. Ipinaalala nila kay Jesus ang iniwan nila upang sundin
Siya. Saka binigkas ni Jesus ang Kanyang “sandaang-ulit” na pangako.
Dahil sa lahat ng ito, di
kapani-paniwalang sinumang mangangaral ng kasaganaan ang magtangkang kumbinsihin
tayo na ipinangangako ni Jesus ang isang literal na sandaang-ulit na balik ng
materyal na bagay na sa kalaunan ay payayamanin tayo nang katakut-takot sa loob
ng maikling mapahon, kung titingnan ang katotohanang, ilang saglit lang ang
nakaraan, sinabi ni Jesus sa isang mayamang lalaki na ipagbili ang lahat ang
ibigay ang pinagbentahan sa mga mahihirap kung nais niya ng buhay na
walang-hanggan!
Marami pang mga kasulatan
ang binabaluktot ng mga nangangaral ng kasaganaan maliban sa mga nakita na
natin, nguni’t nililimitahan tayo dito ng espasyo. Mag-ingat!
Isang Kasabihang Dapat Tandaan ( A Maxim to Remember)
Si John Wesley, nagtatag ng
kilusang Methodist sa Church of England, ay nag-imbento ng isang
kahanga-hangang kasabihan tungkol sa tamang perspektiba sa salapi. Ito ay,
“Humanap ka hangga’t kaya mo; magtabi ka hangga’t kaya mo; magbigay ka hangga’t
kaya mo.”
Ibig sabihin, kailangan
munang magtrabahong mabuti ang mga Cristiano, gamit ang kanilang
kaloob-ng-Diyos na kakayahan at pagkakataon upang humanap ng salapi, nguni’t
siguruhing matapat nilang gawin ito at hindi sasalungat sa anumang utos ni
Cristo.
Pangalawa, kailangan nilang
mamuhay nang simple, na bahagya lamang ang paggasta para sa sarili, upang
“makapag-ipon hangga’t kaya nila.”
At panghuli, pagkasunod sa
unang dalawang hakbang, maaari na silang “magbigay hangga’t kaya nila,” hindi
nililimita sa ikapu, kundi higitan ang paghihigpit sa sarili upang ang mga balo
at ulila ay mapakain at maikalat ang magandang balita sa buong sanlibutan.
Talagang ginawa ng
sinaunang iglesia ang naturang
pamamahala, at ang pamamahagi sa mga nangangailangan sa kanila ay isang regular
na katangian ng buhay sa Bagong Tipan. Siniryoso ng mga unang mananampalataya
ang utos ni Jesus sa Kanyang mga tagasunod, “Ipagbili ang inyong ari-arian at
ipamahagi sa dukha ang pinagbilhan; gumawa kayo ng mga sisidlang hindi
naluluma, at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo’y walang
magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira” (Lu. 12:33). Mababasa
natin sa kuwento ni Lucas ang sinaunang
iglesia:
Nagsasama-sama ang lahat ng
sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat.
Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay
ipinamamahagi sa bawa’t isa ayon sa kanyang pangangailangan. Nagkakaisa ang
damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuturing ninuman na
sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol
ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At
ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang kinakapos sa
kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kanilang lupa o bahay at ang pinagbilhan
ay dinadala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa
pangangailangan ng bawa’t isa (Gw. 2:44-45; 4:32-35).
Malinaw din ang Kasulatan na pinakain
at ibinigay ang mga pangangailangan ng mahihirap na balo (tingnan ang Gw. 6:1;
1 Tim. 5:3-10).
Itinuring ni Pablo, ang pinakadakilang
apostol na nabuhay, pinagkatiwalaan ng Diyos na dalhin ang magandang balita sa
mga Hentil, autor ng napakalalaking sulat sa Bagong Tipan, na ang ministeryo sa
materyal na pangangailangan ng mga mahihirap ay mahalagang bahagi ng kanyang
ministeryo. Sa mga itinatag niyang
iglesia, nakakalap si Pablo ng malalaking halaga ng salapi para sa
mahihirap na Cristiano (tingnan ang Gw. 11:27-30; 24:17; Ro. 15:25-28; 1 Cor.
16:1-4; 2 Cor. 8-9; Gal. 2:10). Hindi bababa sa labimpitong taon pagkatapos
niyang magbagong-buhay, naglakbay si Pablo sa Jerusalem upang isumite ang
natanggap niyang magandang balita upang busisihin nina Pedro, Santiago at Juan.
Wala sa kanila ang nakakita ng kamalian sa mensaheng ipinangangangaral niya, at
nang isalaysay ni Pablo ang okasyon sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia,
naalala niya, “Ang hiling lamang nila ay huwag naming pababayaan ang mga dukha,
at talaga namang patuloy ko itong ginagawa (Gal. 2:10). Sa isipan nina Pedro, Santiago, Juan at Pablo,
ang pagpapakita ng pakikiramay sa mga dukha ay pangalawa lamang sa pangangaral
ng magandang balita.
Sa
Pagbubuod (In Summary)
Sa paksang ito, ang pinakamainam na
payo sa mga ministrong tagalikha-ng-alagad ay nanggaling kay apostol Pablo, na
pagkatapos bigyan si Timoteo ng babala na “ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng
lahat ng uri ng kasamaan,’ at sinasabing “ang ilang nananabik dito ay nakalayo
na sa pananampalataya at idinulot sa kanilang sarili ang masidhing
kapighatian,” at pinayuhan siya,
Sikapin mong mamuhay nang
matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kahinahunan (1 Tim. 6:11, idinagdag ang
pagtitiis).