Kabanata 33
Mga Lihim ng Ebanghelismo (Secrets of
Evangelism)
Nang patunayan ni Abraham ang kanyang
kahandaang ialay ang minamahal niyang anak na si Isaac, nangako ang Diyos sa
kanya:
Sa pamamagitan ng iyong
lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang Aking
utos (Gen. 22:18).
Ipinapakita ni apostol Pablo na ang
pangakong ito ay ginawa kay Abraham at sa kanyang lahi, isahan, hindi mga lahi, maramihan, at ang iisang lahi ay si Cristo (tingnan ang Gal. 3:16). Kay Cristo lahat ng mga
bansa, o higit na tama, lahat ng grupong etniko sa lupa any pagpalain. Una nang
inihayag ng pangakong ito ni Abraham ang pagdaragdag sa libu-libong grupong
etnikong Hentil sa buong globo sa pagpapala ng pagiging kay Cristo. Ang mga
grupong etnikong iyon ay magkakaiba dahil namumuhay sila sa iba-ibang
heograpikal na lugar, magkakaiba ang lahi, umaayon sa iba-ibang kultura at
nagsasalita ng iba-ibang wika. Nais ng Diyos na pagpalain silang lahat kay
Cristo, kung kaya’t namatay si Jesus para sa kasalanan ng buong sanlibutan
(tingnan ang 1 Jn. 2:2).
Bagama’t sinabi ni Jesus na makitid ang
dang patungo sa buhay, at iilan lang ang nakakahanap nito (tingnan ang Mt.
7:14), iniwan tayo ni apostol Juan ng magandang dahilan upang maniwalang may
mga kinatawan mula sa grupong etniko ng buong sanlibutan sa kaharian ng Diyos
sa hinaharap:
Pagkatapos niyo’y nakita ko ang
napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila’y mula sa bawa’t bansa,
lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng kordero, at sa
ating Diyos na nakaluklok sa trono”
(Pah. 7:9-10, idinagdag ang pagdidiin).
Kaya pinananabikang inaabangan ang mga
anak ng Diyos ang pagdating ng araw na
sasanib sila sa kawang multi-etnik sa harap ng Kanyang trono!
Maraming kontemporanyong misyunerong
gumagawa ng estratehiya ang lubhang nagdidiin sa pag-abot sa nalalabing
libu-libong “nakatagong” grupong etniko sa buong sanlibutan, na umaasang
makapagtanim ng mainam na iglesia
sa bawa’t isa sa kanila. Talagang kapuri-puri ito, dahil inutusan tayo ni Jesus
na humayo sa lahat ng dako ng sanlibutan at “lumikha ng mga alagad sa lahat ng
bansa (o literal na, grupong etniko)” (Mt.
28:19). Nguni’t ang plano ng mga tao, bagama’t mabubuti ang intensyon, lalo na
kung walang pagpapala ng Espiritu
Santo, ay maaaring magdulot ng higit na kasamaan kaysa kabutihan.
Mahalagang sundin natin ang karunungan ng Diyos habang naghahangad ayong itayo
ang Kanyang kaharian. Binigyan Niya tayo ng higit pang instruksiyon kung paano
lumikha ng mga alagad sa sanlibutan kaysa sa nakikita sa Mateo 28:19.
Marahil ang pinaka-napabayaang
katotohanan ng mga nagsisikap tumupad sa Dakilang Komisyon ay ang pagiging
pinakadakilang ebanghelista ng Diyos, at
dapat tayong nakikipagtulungan sa Kanya,
hindi gumagawa para sa Kanya. Siya
noon at ngayon ay matapat sa dahilan ng Kanyang kamatayan, at matagal na Niyang
pinag-isipan iyon bago pa man nilakha ang sinuman, hanggang ngayon! Iyan ang
katapatan!
“Pagpapanalo
sa Sanlibutan Para Kay Cristo” (“Wining
the World For Christ”)
Interesante na kapag binasa natin ang
mga sulat sa Bagong Tipan, wala tayong makitang marubdob na pagsamo (na
makikita natin sa panahon ngayon) para sa mga mananampalataya upang “humayo
doon at abutin ang sanlibutan para kay Cristo!” napagtanto ng mga sinaunang
Cristiano at Cristianong pinuno na nagsisikap tubusin ng Diyos ang sanlibutan, at ang gawain nila ay makipagtulungan sa
Kanya habang inaakay Niya sila. Kung alam ito ninuman, siya si apostol Pablo, na
hindi “inakay sa Panginoon” ninuman. Bagkus, napabago ang buhay niya ng isang
direktang kilos ng Diyos habang naglalakbay siya patungong Damasco. At sa buong
aklat ng Mga Gawa, nakikita nating lumalawak ang iglesia dahil nakipagtulungan sa Espiritu Santo ang mga nahirang-ng-espiritu at
inakay-ng-espiritung tao. Dapat
ituring ang aklat ng Mga Gawa bilang “Mga Gawa ng Diyos,” sa halip na patuloy
na ituring ito bilang “Mga Gawa ng mga Apostol.” Sa introduksiyon ni Lucas sa
Mga Gawa, inihayag niya na ang unang salaysay niya (ang Magandang Balitang
ipinangalan sa kanya) ay isang tala ng “lahat ng inumpisahang gawin at ituro” (Gw.1:1, idinagdag ang pagdidiin). Malinaw
na naniwala si Lucas na ang libro ng Mga Gawa ay salaysay ng pagpapatuloy ng gawain at pangangaral ni
Jesus. Gumawa Siya sa pamamagitan ng mga hinirang-ng-Espiritu at
inakay-ng-Espiritung tagasilbi na nakipagtulungan sa Kanya.
Kung hindi nahikayat ang mga sinaunang
Cristiano upang “humayo doon at magpatotoo sa kanilang mga kapwa at tumulong sa
pagpapanalo sa sanlibutan pra kay Cristo,” ano ang kanilang tungkulin sa
pagtatatag ng kaharian ng Diyos? Ang mga hindi ispesipikong natawag na
pinagkalooban upang ipangaral ang magandang balita sa madla (mga apostol at
ebanghelista) ay tinawag upang mamuhay nang masunurin at banal at maghain ng
depensa laban sa sinumang magtangkang umusig o
humamon sa kanila. Halimbawa, isinulat ni Pedro,
At sakali mang usigin kayo
dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang
kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila. Igalang ninyo si
Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo Siya bilang Panginoon. Lagi kayong
maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa
na nasa inyo. Nguni’t maging mahinahon at magalang kayo sa inyong
pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang
inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang
pag-uugali (1 Ped. 3:14-16).
Pansinin na ang mga
Cristianong sinulatan ni Pedro ay nagtitiis sa panlalait. Nguni’t maliban kung
hindi iba ang mga Cristiano sa sanlibutan, (siyempre), hindi sila lalaitin ng
sanlibutan. Ito ang isang dahilan kung bakit bahagya lang ang panlalait sa mga
Cristiano sa maraming lugar ngayon—dahil ang mga tinatawag na Cristiano
ay hindi kumikilos na kaiba sa lahat. Hindi sila talagang tunay na Cristiano, kaya
walang nanlalait sa kanila. Bagama’t marami sa mga uring ito ng “Cristiano” ay
pinapayuhan tuwing Linggo upang “ipamahagi ang kanilang pananampalataya sa
kanilang kapwa.” Kapag nagpatotoo sila sa kanilang mga kapitbahay, ang mga iyon
ay magtatakang makaalam na (sinasabing) sila ay ipinanganak-muling Cristiano.
Ang higit na masama, ang “magandang balitang” ipinamamahagi nila ay nagiging
higit lang nang kaunti sa pagsabi nila ng “balitang maganda” na nagkakamali
sila kung ipinagpapalagay na ang magagandang gawain o pagsunod sa Diyos ay may
kinalaman sa kaligtasan. Ang kalalabasan ay tanging “tanggapin nila si Jesus
bilang pansariling Tagapagligtas.”
Kasalungat niyan, lumantad
ang mga sinaunang Cristiano (na ang tunay na Panginoon ay si Jesus) na parang
ilaw sa kadiliman, kaya hindi nila kinailangang mag-aral sa pagpapatotoo o
lakasan ang loob na ipamahagi sa kanilang kapitbahay na tagasunod sila ni
Cristo. Napakarami ang kanilang mga pagkakataon upang ipamahagi ang magandang
balita habang sila ay nilalait o hinahamon o hinahamak dahil sa kanilang
katuwiran. Kailangan lang nilang ibukod si Jesus bilang Panginoon sa kanilang
puso at maging handa upang gumawa ng depensa, na tulad ng sinabi ni Pedro.
Ang pinakapunong pagkakaiba
marahil ng mga modernong Cristiano sa mga sinaunang Cristiano ay ito: lubhang
ipinapalagay ng mga modernong Cristiano na ang Cristiano ay inilalarawan ng
kung ano ang alam at pinaniniwalaan niya—na tinatawag nating “doktrina,”
at kung gayon ay pinagtutuunan nating matutunan. Ang salungat nito,
pinaniniwalaan ng sinaunang mga Cristiano na inilalarawan ito sa kung ano ang
kanyang ginagawa—at kung gayon ay tumutuon sila sa pagsunod sa mga utos
ni Cristo. Napakainteresanteng mapagtanto na walang Cristiano sa unang
labing-apat na dantaon ang nagkaroon ng sariling Biblia, kaya imposible para sa
kanya na “basahin ang Biblia araw-araw,” na siyang naging isa sa mga cardinal n
autos ng isang kontemporanyong pananagutang Cristiano. Hindi ko talaga
sinasabing huwag basahin ng mga modernon Cristiano ang kanilang Biblia
araw-araw. Sinasabi ko lang na napakaraming Cristiano ang nagtuturing sa
pag-aaral ng Biblia bilang higit na mahalaga kaysa sinusunod ito. Sa huli ay nagiging mayabang tayo sa
pagkakaroon ng tamang doktrina (na salungat sa mga miyembro ng ibang 29,999 na denominasyon
na hindi papantay sa ating lebel ) bagama’t nagtsi-tsismis pa rin,
nagsisinungaling at nag-iipon ng mga panlupang kayamanan.
Kung umaasa tayong
mapalambot ang puso ng mga tao upang higit nilang tanggapin ang magandang
balita, malamang na higit na magagawa natin ito sa pamamagitan ng ating gawa sa
halip na sa ating mga doktrina.
Ang Diyos, ang Pinakadakilang Ebanghelista (God,
the Greatest Evangelist)
Tingnan natin nang higit na
madetalye ang gawain ng Diyos sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Kung higit
nating iniintindi ng paraan Niya ng paggawa, lalo tayong maaaring
makipagtulungan sa Kanya.
Kapag nananampalataya ang
mga tao kay Jesus, ito ay sanhi ng ginagawa nila sa kanilang mga puso (tingnan
ang Ro. 10:9-10). Nananampalataya sila sa Panginoong Jesus kung gayong sila’y
nagsisisi. Pinabababa nila ang sariling kapasyahan at itinataas si Jesus sa
trono ng kanilang kalooban. Kalakip ng
pananampalataya ang pagpapalit ng damdamin.
Gayundin, kapag hindi nananampalataya ang mga tao kay Jesus,
ito’y sanhi ng nangyayari sa kanilang puso. Nilalabanan nila ang Diyos, kaya hindi sila nagsisisi. Sa pamamagitang ng
lubos-sa-isaipang pasya, inaalis nila si Jesus sa trono ng kanilang puso. Ang kawalan ng pananampalataya ay kalakip ng
nagpapatuloy na kapasyahang hindi magbago ng kalooban.
Ipinakita ni Jesus na
matigas ang lahat ng puso ng mga tao na walang makakapasok sa kanya hangga’t
hindi sila hinihila ng Ama (tingnan ang Jn. 6:44). Mahabagin at patuloy na
hinihila ng Diyos ang lahat patungo kay Jesus sa pamamagitan ng iba-ibang
paraan, na pawang kumakatok sa kanilang puso, at sa pamamagitan nito ay patuloy
silang magpasya kung palalambutin ang kanilang mga puso o patitigasin ang mga
ito.
Anong paraan ang ginagamit
ng Diyos upang katukin ang puso ng mga tao sa pag-asang madala sila kay Jesus?
Una, ginagamit Niya ang
Kanyang nilikha. Isinulat ni Pablo,
Nahahayag mula sa langit
ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong
dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagka’t
ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag
sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain
ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang
kapangyarihang walang hanggan at ang Kanyang pagka-Diyos , ay maliwanag na
inihahayag ng Kanyang mga ginawa (Ro. 1:18-20, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sinabi ni
Pablong “itinatago” ng mga tao “ang katotohanang” “maliwanag na nasa kanila.” Ibig sabihin, lumalantad ang
katotohanan sa kanilang kalooban at hinaharap sila, nguni’t itinutulak nila
paloob ang mga ito at labanan ang panloob na paniniwala .
Ano talaga ang katotohanang
malalim na maliwanag sa bawa’t tao? Sinabi ni Pablo na ito ang mga katotohanan
ng “di nakikitang katangian ng Diyos, ang Kanyang walang hanggang
kapangyarihan,” na ibinubunyag sa pamamagitan ng “nagawa na.” Sa kaloob-looban
ng mga tao, alam nila sa pagtingin sa nilikha ng Diyos na malinaw na nariyan
Siya,
[1]
na napaka-makapangyarihan Siya, kamangha-mangha ang pagkamalikhain at
di-mapaniniwalaan ang Kanyang karunungan, bilang pagbanggit sa ilan.
Ang konklusyon ni Pablo ay
“walang dahilan” ang mga taong tulad ng mga iyon, at tama siya. Laging
sinisigawan ng Diyos ang lahat ng tao, ibinubunyag sa Sarili Niya at
sinusubukang palambutin ang kanilang mga puso, nguni’t isinasara ng karamihan
ang kanilang taynga. Nguni’t hindi
humihinto ang Diyos sa pagsigaw sa buong buhay nila, na may kasamang
pagpapamalas ng mga himala—sa pamamagitan ng mga bulaklak, ibon, sanggol,
saging, mansanas, at milyon pang ibang bagay.
Kung nariyan ang Diyos at
dakila Siyang tulad ng ibinubunyag ng Kanyang nilikha, malinaw na dapat Siyang
sundin. Ang panloob na pagbubunyag na iyan ang nagsisigaw ng lantarang mensahe: Magsisi! Dahil dito, sinasabi ni
Pablo na narinig na ng lahat ang tawag ng pagsisisi ng Diyos:
Nguni’t ang tanong Ko’y
ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Sapagka’t nasusulat, “Abot sa lahat ng
dako ang kanilang tinig, balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig” (Ro.
10:18).
Inuulit talaga ni Pablo ang
isang karaniwang berso mula sa Awit 19, na ang kabuuang teksto ay nagsasabing,
Ang kaluwalhatian ng Diyos
ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng Kanyang kamay, ipinapakita ng
kalawakan! Sa bawa’t araw at gabi, pahayag ay walang patlang, patuloy na
nagbibigay ng dunong at kaalaman. Wala silang tinig o salitang ginagamit, wala
rin silang tunog na ating naririnig; nguni’t
abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, balita ay umaabot hanggang sa dulo ng
daigdig (Awit 19:1-4a, idinagdag ang pagdidiin).
Ipinapakita muli nito na
nakikipag-usap ang Diyos sa lahat, araw at gabi, sa pamamagitan ng Kanyang
nilikha. Kung tama ang tugon ng mga tao sa mensahe ng Kanyang nilikha,
mapapayuko sila at sisigaw ng, “Dakilang Manlilikha, nilikha Mo ako, at malinaw
na nilikha Mo ako upang gawin ang Iyong kalooban. Kay nagpapasakop ako sa Iyo!”
Isa pang Paraan ng Pakikipag-usap ng Diyos (Another Means by Which God Speaks)
Kaugnay nitong
panlabas/panloob na pagbubunyag ay isa pang panloob na pagbubunyag, isang
dulot-ng-Diyos din, at isang hindi nakadepende sa pagtingin sa mga himala ng
paglikha. Ang panloob na pagbubunyag na iyan ay ang konsensya ng bawa’t tao,
isang tinig na laging nagbubunyag ng utos ng Diyos. Isinulat ni Pablo,
Kapag ang mga Hentil na
hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang
likas na pag-iisip, ito’y nagiging kautusan na para sa kanila. Ipinapakita ng
kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan.
Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagka’t kung minsan sila’y
sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila’y ipinagtatanggol nito sa
kanilang isipan. Ayong sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, mangyayari
ito sa araw na ang mga lihim ng lahat ng mga tao’y hahatulan ng Diyos sa
pamamagitan ni Cristo Jesus (Ro. 2:14-16).
Kung gayon, lahat ay nakakaalam ng tama
at mali. O palalakasin pa ang pagsabi rito, lahat ng tao ay nakakaalam kung ano
ang nakasisiya sa Diyos at ang hindi nakasisiya sa Kanya, at hahatulan Niya ang
bawa’t tao sa araw ng paghukom sa paggawa niya ng alam niyang hindi nakasisiya
sa Kanya. Habang tumatanda ang mga tao, gumagaling sila sa pangangatuwiran ng
kanilang mga kasalanan at pagbabalewala sa tinig ng kanilang konsensya, nguni’t
hindi humihinto ang Diyos sa pagsasabi ng Kanyang utos sa kalooban nila.
Ang Pangatlong Paraan (A Third Means)
Nguni’t hindi lang iyan.
Ang Diyos, na siyang dakilang ebanghelistang kumikilos upang magsisi ang lahat,
ay nakikipag-usap sa mga tao sa isa pang paraan. Muli, mababasa natin ang mga
salita ni Pablo:
Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng
kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay
hinahadlangan ang katotohanan (Ro. 1:18, idinagdag ang pagdidiin).
Pansinin na sinabi ni Pablo
na ang poot ng Diyos ay nahahayag,
hindi maihahayag balang araw. Ang
poot ng Diyos ay malinaw sa lahat sa maraming masasamang nangyari, malaki at
maliit, na nagpapahirap sa mga tao. Kung makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, na
nakakagawa ng anuman at makapipigil ng anuman, ang mga bagay na ito, kapag
lumusob sa mga nagbabalewala sa Kanya, ay manipestasyon lamang ng Kanyang poot.
Ang mga hindi nag-iisip na teolohiko at hangal na pilosopo lamang ang
nakakakita dito. Nguni’t kahit sa Kanyang poot, nabubunyag ang habag at
pag-ibig ng Diyos, dahil ang mga puntirya ng Kanyang poot ay kadalasang
nakakatanggap ng higit na kaunting poot kaysa nararapat sa kanila, at kung
gayon ay minamahal na pinaaalalahanan tungkol sa walang hanggang poot na
naghihintay sa mga taong nangangailangan ng pagsisisi.
Ang Pang-apat na Paraan (A Fourth Means)
Bilang pangwakas, hindi
lang tinatangka ng Diyos na hilahin ang mga tao sa pamamagitan ng mga nilikha, konsensya
at kalamidad, kundi sa pamamagitan rin ng pagtawag ng magandang balita. Habang
sinusunod Siya ng Kanyang mga tagasilbi at ipinangangaral ang magandang balita,
ang parehong mensahe ng paglikha, konsensya at kalamidad ay napapatotohanang
muli: Magsisi!
Makikita ninyo na ang
ginagawa natin sa evangelization kumpara sa ginagawa ng Diyos ay walang pagkukumpara.
Lagi niyang pinangangaralan ang bawa’t tao bawa’t sandali ng bawa’t araw ng
kanyang buhay, samantalang
kahit ang pinakadakilang ebanghelista ay maaaring magsalita sa ilang daang
libong tao sa loob ng mga dekada. At ang mga ebanghelistang iyon ay
pangkalahatang minsan lang nangangaral sa alinmang nababanggit na grupo ng tao
sa maikling panahon. Katunayan, ang isang pagkakatong iyan ang tanging panahong napayagan ang ebanghelista
upang ialay sa mga tao sa dahilang iniutos ni Jesus na pagpagin ang alikabok sa
mga paa sa tuwing ang isang lunsod, barangay, o bahay ay tumangging tanggapin
sila (tingnan ang Mt. 10:14). Sinasabi ng lahat ng ito na kapag ikinumpara
natin ang walang-hintong, pangkalahatang, magarbong, tumatagos-sa-loob na
ebanghelismo sa pamamagita ng ating napakalimitadong ebanghelismo, talagang
hindi maaaring ihambing.
Tinutulungan tayo ng
perspektibang ito upang higit na intindihin ang ating tungkulin sa
ebangheisasyon at sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos. Nguni’t bago natin
masinsinang tingnan ang ating papel, may isa pang mahalagang salik na huwag
nating ipagwalambahala.
Tulad ng nabanggit na, ang
pagsisisi at pananampalataya ay mga bagay na ginagawa ng mga tao sa kanilang
puso. Nais ng Diyos na lahat ay magpakumbaba, palambutin ang puso, magsisi at
manampalataya sa Panginoong Jesus. Dahil diyan, patuloy na may ginagawa ang
Diyos sa puso ng mga tao sa maraming paraang kababanggit lang.
Siyempre, alam din ng Diyos
ang kalagayan ng puso ng bawa’t tao. Alam Niya kung kaninong puso ang
lumalambot at kung kanino ang tumitigas. Alam Niya kung sino ang nakikinig sa
Kanyang walang-hintong mga mensahe at kung sino ang nagbabalewala sa mga ito.
Alam Niya kung kaninong puso ang natitinag ng tanging kalamidad sa kanilang
buhay na magiging sanhi ng pagbukas ng kanilang puso upang sila’y magsisi. (Sinabi
Niya kay Jeremias nang tatlong ulit, halimbawa, na huwag ipanalangin ang Israel
dahil hindi na magsisisi ang kanilang mga puso; tingnan ang Jer. 7:16; 11:14;
14:11.)
[2]
Alam Niya kung kaninong puso ang lumalambot upang kaunting sundot na lang ng
Kanyang Espiritu ay magreresulta sa kanilang pagsisisi.
Kung aalalahanin ang lahat
nang ito, ano ang matututuhan natin tungkol sa pananagutan ng mga iglesia sa pagpapangaral sa magandang
balitga at pagtatatag ng kaharian ng Dikyos?
Prinsipyo #1 (Principle #1)
Una, hindi ba mukhang
makatwiran na ang Diyos, ang Dakilang Ebanghelistang gumagawa ng 95% ng
pangkalahatang gawain at lagi nang walang hinting naninigaw sa lahat sa
araw-araw, ay magpapagala ng Kanyang mga tagasilbi upang ipangaral ang
magandang balita sa mga puso ng taong may kakayahang tumanggap sa halip na sa
mga walang kakayahang tumanggap? Iyan ang palagay ko.
Hindi ba mukhan possible na
ang Diyos, ang Dakilang Ebanghelistang pinangangaralan na ang lahat ng tao sa
bawa’t saglit ng kanilang buhay, ay maaaring piliin hindi gagawin ang pagpapadala ng magandang balita sa mga ganap na
bumabalewala sa lahat-lahat ng sinasabi Niya sa kanila sa maraming? Bakit Siya
magsasayang ng lakas sa pagsasabi ng huling 5% ng nais Niyang malaman nila kung
ganap nilang binabalewala ang naunang 95% ng sinasabi Niya sa kanila? Nais kong
isiping higit na maaaring magpadala ang Diyos ng paghatol sa mga taong tulad ng
mga nabanggit sa pag-asang palalambutin nito ang kanilang mga puso. Kung
magkagayon, mukhang lohikal na isiping ipapadala Niya ang Kanyang mga tagasilbi
upang ipangaraal ang magandang balita.
Maaaring sabihin ng ilan na
ipapadala ng Diyos ang Kanyang mga tagasilbi sa mga alam Niyang hindi magsisisi
upang wala na silang dahilan kapag humarap sila sa Kanyang paghukom. Nguni’t
isaisip na ayon sa Kasulatan, ang mga taong tulad nila ay wala na talagang dahilan
sa harap ng Diyos dahil sa Kanyang walang-hanggan pagbubunyag ng Kanyang Sarili
sa pamamagitan ng Kanyang nilikha (tingnan ang Ro. 1:20). Kaya kung hindi
magpapadala ang Diyos ng isa sa Kanyang mga tagasilbi sa naturang mga tao, ito’y
hindi upang managot sila, kundi upang maging higit silang mananagot.
Kung talagang totoo na
mukhang aakayin ng Diyos ang Kanyang mga tagasilbi sa mga taong may kakayahang
tumanggap, kung gayon tao, ang Kanyang mga tagasilbi, ay dapat marubdob na
ipanalangin ang Kanyang karunungan upang maakay tayo sa mga alam Niyang hinog
na upang anihin.
Isang Halimbawang Ayon sa Kasulatan (A
Scriptural Example)
Maganda ang pagkakalarawan
ng prinsipyong ito sa ministeryo ni Felipe ang ebanghelista na nakatala sa
aklat ng Mga Gawa. Nangaral si Felipe sa mga mapagtanggap na kawan sa Samaria, nguni’t
sa kalaunan ay dinala ng isang anghel upang maglakbay sa isang ispesipikong
daan. Doon ay inakay siya sa isang kamangha-mangahang mapagtanggap na
naghahanap:
Pagkatapos, si Felipe ay
inutusan naman ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang
Gaza.” Hindi na iyon dinadaanan ngayon. Pumunta nga doon si Felipe at dumating
naman ang isang pinunog taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, o reyna ng Etiopia.
Galing ito sa Jerusalem at
sumamba sa Diyos. Pauwi na ito noon, nakasakay sa kanyang karwahe, at nagbabasa
ng aklat ni Propetang Isaias.”Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu
kay Felipe. Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng
pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan
ba ninyo ang inyong binabasa?” Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan kung
walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa
karwahe at umupo sa kanyang tabi. Ito ang bahagi ng Kasulatang binabasa niya:
Siya ay tulad ng isang
tupang nakatakdang patayin; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na
gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. Siya’y hinamak at pinagkaitan ng katarungan.
Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagka’t kinitil
nila ang kanyang buhay.”
Nagtanong kay Felipe ang
pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili
ba niya o iba?” Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay ni Felipe ang Magandang
Balita tungkol kay Jesus. Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang
lugar na may tubig. Kaya’t sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Hindi
pa ba ako maaaring bautismuhan?” Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong
silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa
tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa
ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. Namalayan na lamang
ni Felipe na siya’y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang
Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng baying dinaraanan niya hanggang sa
marating niya ang Cesarea (Gw. 8:26-39).
Banal na isinugo si Felipe
upang maglingkod sa isang taong gutom sa espiritu kaya naglakbay mula Africa to
patungong Jerusalem upang sumamba sa Diyos at nakabili ng isang kopya ng mga
balumbon ng papel na kinasusulatan ng mga pahayag ni Isaias. Habang binabasa
niya ang ika- 53 kabanata ng Isaias, ang pinaka-naglalarawang kasulatan sa
Lumang Tipan na nagdedetalye ng paghihirap ni Cristo, at pinagtatakhan kung
sino ang tinutukoy ni Isaias, naroon si Felipe na handang magpaliwanag ng
kanyang binabasa! Iyon ay isang taong hinog na sa pagbabagong-buhay! Alam ng
Diyos ang kanyang kalooban at ipinadala Niya si Felipe.
Isang Higit na Mabuting Paraan (A Better Way)
Higit na kasiya-siya ang
akayin ng Espiritu sa mga taong handang tumanggap kaysa tahasang lumapit sa mga
taong tumatanggi dahil iniisip natin na kapag di natin gagawin iyon, hindi sila
mapapangaralan . Huwag kalimutan—lahat ng makikilala ninyong tao ay
laging pinangangaralan ng Diyos. Higit na mabuting tanungin ang mga tao kung
paano sila binabagabang ng kanilang konsensya upang malaman kung handa silang
tumanggap sa Diyos o hindi, dahil ang konsensya ng bawa’t laging nangungusap sa
kanya .
Isa pang halimbawa ng
prinsipyong ito ay ang pagbabagong-buhay ng kabahayan ni Cornelio sa ilalim ng
pangangaral ni Pedro, na nabasbasan ng Espiritu upang ipangaral ang magandang
balita sa napakalambot na grupong
ito ng mga Hentil. Tunay na si Cornelio ay isang taong nakikinig sa kanyang
konsensya at naghahanap sa Diyos, na inilarawan ng pagbibigay-tulong niya at ng
kanyang buhay-panalangin (tingnan ang Gw.10:2). Iniugnay siya ng Diyos kay
Pedro, at ankinig siya sa mensahe ni Pedro na may bukas na puso at
maluwalhating naligtas.
Higit na marunong ang
pananalangin sa Espiritu Santo
upang akayin tayo sa mga taong handa na ang mga puso sa halip na masusing
pagplanuhang hati-hatiin ang ating mga lunsod upang pangaralan ng na-organisang
mga grupo ng mangangaral sa bawa’t tahanan at apartment. Kung nakikipagpulong
si Pedro tungkol sa mga estratehiyang pang-ministro sa Jerusalem o kung
nagpatuloy sa pangangaral si Felipe sa Samaria, marahil ay nanatiling hindi
napangaralan ang sambahayan ni Cornelio at ang pinunong taga-Etiopia.
Siyempre, maaakay ang mga
ebanghelista at apostol upang ipangaral ang magandang balita sa halu-halong
kawan ng mga handa at di handang tagapakinig. Nguni’t kailangan pa rin nilang
ipanalangin sa Panginoon kung saan Niya sila gustong mangaral. Muli, ang
salaysay na nakatala sa Mga Gawa ay tungkol sa mga taong inakay-ng Espiritu at
hinirang-ng-Espiritu na tumutulong sa Espiritu Santo habang itinatatag Niya ang kaharian ng Diyos. Lubhang
iba ang mga paraan ng sinaunang
iglesia kung ihambing sa modernong
iglesia. At iba rin ang mga resulta! Bakit hindi tularan ang matagumpay
na paraan?
Prinsipyo #2 (Principle #2)
Paano pa tayo matutulungan
ng mga prinsipyong natalakay sa unang bahagi ng kabanatang ito upang intindihin
ang ating papel sa pangangaral at pagtatatag ng kaharian ng Diyos?
Kung dinisenyo ng Diyos na
tawagin sa pagsisisi ang mga tao sa pamamagitan ng nilika, konsensya at
kalamidad, tiyakin sana ng mga mangangaral na hindi hindi nagbibigay ng
salungat na mensahe. Nguni’t iyan ang ginagawa ng karamihan! Direktang sinasalungat ng kanilang
ipinangangaral ang lahat ng sinasabi na ng Diyos sa mga makasalanan! Ang
mensahe nila ng pagpapalang di biblical ang nagsusulong sa idea na hindi
mahalaga ang kabanala at pagsunod sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan. Tunay
na sinasalungat nila ang Diyos sa hindi pagbanggit ng kahalagahan ng pagsisisi
sa kaligtasan, sa pagdidiin na ang kaligtasan ay di dahil sa mga gawa (sa isang
paraan ng pagkakaintindi na kailanman ay di intensyon ni Pedro), at inaakay ang
mga tao sa higit na malalim na pandarayang nagtatatak ng kanilang walang
hanggang kapahamakan, dahil sigurado na sila sa kanilang kaligtasan na sa totoo
ay hindi naman. Tunay na trahedya, kapag talagang sinasalungat ng mga mensahero
ang Diyos na inaangking kinakatawan nila!
Inutusan tayo ni Jesus na
ipangaral ang “pagsisisi at
kapatawaran ng mga kasalanan” (Lu. 24:47). Muling pinatototohanan ng mensaheng
iyan ang palagiang sinasabi ng Diyos. Tinutugis ng mensaheng iyan ang puso ng
mga tao at sinasaktan ang kalooban ng mga may matitigas na puso. Nguni’t inililihis sila ng modernong
malambot na magandang balitang nagsasabing lubhang mahal sila ng Diyos (bagay
na kailanman ay hindi binanggit ng mga apostol kapag nangangaral sa aklat ng
Mga Gawa), upang isiping hindi nasasakta at galit ang Diyos sa kanila. Lagi
silang sinasabihang ang tanging dapat nilang gawin ay “tanggapin si Jesus.”
Nguni’t hindi kailangan ng Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon ang
ating pagtanggap. Hindi “Tinatanggap mo ba si Jesus?” ang tanong. Ang tanong
ay, “Tinatanggap ka ba ni Jesus?”
Ang sagot ay, hangga’t hindi ka nagsisisi at sumunod sa Kanya,
kasuklam-suklam ka sa Kanya, at tanging ang habag Niya ang umaantala sa iyong
kapalaran sa impiyerno.
Dahil sa modernong
magandang balita na nagpapababa ng pagpapala ng Diyos, hindi ko maubos maisip
kung bakit maraming bansang pinamamahalaan ng mga pinunong binigyan ng
kapangyarihan ng Diyos upang mamuno (at hindi ito pinagtatalunan; tingnan ang Dan.
4:17, 25, 32l 5:21; Juan 19:11; Gw. 12:23; Ro. 13:1), ang ganap na pinagsarhan
ng pinto ang mga Kanluraning misyunero. Di kaya dahil tinatangkang huwag
papasukin ang maling ebanghelyo sa mga bansang iyon?
Prinsipyo #3 (Principle #3)
Ang mga prinsipyong
natalakay na sa kabanatang ito ay tumutulong din upang higit nating maunawaan
kung paano tinitingnan ng Diyos ang mga taong sumusunod sa taliwas na relihiyon.
Sila ba ay ignoranteng taong dapat kahabagan dahil kailanman ay hindi nila
narinig ang katotohanan? Ang
iglesia ba ang sisisihin dahil hindi sila lubos na pinangaralan?
Hindi, hindi ignorante sa
katotohanan ang mga naturang tao. Hindi man nila alam ang lahat ng nalalaman ng
Cristianong naniniwala-saBiblia, nguni’t alam nilang lahat ng ipinapahayag ng
Diyos tungko sa Kanyang Sarili sa pamamagitan ng nilikha, konsensya at
kalamidad. Sila ang mga taong sa tanang buhay nila ay tinatawag ng Diyos upang
magsisi, kahit hindi pa sila
nakakakita ng Cristiano o nakapakinig sa magandang balita. Dagdag pa, maaaring
pinalalambot nila o pinatitigas nila ang kanilang puso papunta sa Diyos.
Binanggit ng Pablo ang
kamangmangan ng mga di mananampalataya at ibinunyag and dahilan ng kanilang
kamangmangan:
Sa pangalan ng Panginoon,
ito ang sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga
walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, at wala
silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, walang silang bahagi sa kaloob ng Diyos.
Sila’y naging alipin ng kahalayan, at wala
na silang kahihiyan kaunti man lamang. Wala na silang inaatupag kundi
pawang kalaswaan (Efe. 4:17-19).
Pansinin na ang
kamangmangan ng mga Hentil ay “dahil sa katigasan ng kanilang ulo.” Ipinahayag
din ni Pablo na “wala na silang kahihiyan.” Malinaw na tinutukoy niya ang
kalagayan ng kanilang puso. Nagkakaroon ng kalyo ang kamay ng mga tao sa
palagiang paggasgas ng matigas sa
malambot na balat. Ang may kalyong balat ay hindi na gaanong nakakaramdam. Gayundin,
habang palagiang nilalabanan ng mga tao ang tawag ng Diyos sa pamamagitan ng
nilikha, konsensya at kalamidad, tumitigas ang kanilang puso, at wala na silang
pakiramdam sa banal na tawag. Kaya ipinapakita ng mga bilang na ang mga tao’y
di na gaanong tumatanggap ng bagong kaalaman habang sila’y tumatanda. Kapag
tumatanda ang isang tao, mas maliit ang pagkakataong siya’y magsisi. Pinupuntirya ng marurunong na ebanghelista
ang mga taong higit na nakababata.
Ang Kasalanan ng mga di Naniniwala (The Guilt of
the Unbelieving)
Ang karagdagang patunay na
sinisisi ng Diyos ang mga tao kahit kailanman ay hindi sila nakapakinig ng
ebanghelistang Cristiano ay ang katotohanang masugid Niya silang hinahatulan.
Kung hindi sila tinutugis ng Diyos sa kanilang kasalanan, hindi Niya sila
parurusahan. Nguni’t dahil pinarurusahan Niya sila, nakatitiyak tayong sinisisi
Niya sila. At kung magkagayon, malamang na alam nila na ang kanilang ginagawa
ay hindi kasiya-siya sa Kanya.
Isang paraan ng pagpaparusa
ng Diyos sa mga lumalaban sa Kanyang tawag ay ang “pagpapahintulot Niyang”
magkasala si upang maging higit silang alipin ng kasamaan. Isinulat ni Pablo:
Kahit na alam nilang may Diyos, Siya’y hindi nila
pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka
sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya’t nagdilim ang hangal nilang
pag-iisip. Sila’y nagmamarunong nguni’t lumitaw na sila’y mga hangal.
Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba
nila’y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may
apat na paa, at ng mga hayop na gumagapang.
Kaya’t hinayaan na sila
ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil
ang paggawa ng kahalayan sa isa’t isa. Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay
tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at
pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang Lumikha, na siyang dapat
papurihan magpakailanman! Amen.
Dahil dito’y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na
pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki, at sa halip ay sa kapwa
babae sila nakikipag-ugnayan. Ganoon din ang mga lalakio; ayaw na nilang
makipagtalik sa mga babae, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa
nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya’t sila’y paparusahan ng nararapat
sa kanilang masasamang gawa.
Dahil ayaw nilang kilalanin
ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing
kasuklam-suklam. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan,
kasakiman, masasamang isip, pagkainggit, pagpatay, pagtatalo, pandaraya at
masasamang hangarin. Sila’y naging mahihilig sa tsismis, mapanirang puri,
nasusuklam sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng
kasamaan, at suwail sa magulang. Sila’y naging mga hangal, mga taksil, mga
walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. Nalalaman nila ang utos ng Diyos
na dapat mamatay ang mga gumagawa nito, nguni’t patuloy sila sa paggawa nito at
natutuwa pang makita na ang iba ay gumagawa rin ng ganoon (Ro. 1:21-32, idinagdag
ang pagdidiin).
Pansinin ang pagdiin ni
Pablo sa mga katotohanan ng pantaong kasalanan at pagharap sa Diyos. Ang mga
hindi nagsisisi “ay nakakaalam sa Diyos,” nguni’t “hindi nila Siya
pinarangalan, ni pinasalamatan.” “Ipinagpalit nila ang katotohanan sa
kasinungalingan,” kaya maaaring alam nila ang katotohanan ng Diyos. Kung gayon,
“hinayaan sila ng Diyos” sa higit
pang kahangalan, hanggang si gumagawa na ang mga tao ng di-pangkaraniwang
karumal-dumal na gawain at lalong nalublob sa kasalanan. Maaaring sinasabi ng
Diyos na “Kung gayon ninyong pagsilbihan ang kasalanan sa halip na Ako? Kung
gayon ipagpaptuloy ninyo. Hindi Ko kayo pipigilin, at lalo kayong maninilbihan
sa diyos na iniibig ninyo.”
Palagay ko’y maituturing pa
ang paghatol na ito bilang pagpapakita ng habag ng Diyos, dahil makatwirang
isiping kapag higit na nagiging makasalanan ang mga tao, mapagtatanto nila ito
at sila’y magigising. Nakapagtatakang hindi tinatanong ng mga bakla at tomboy
na, “bakit naaakit ako sa taong pareho ang kasarian sa akin, samantalang alam
kong hindi ako magkakaroon ng tunay na sekswal na relasyon? Kakatwa ito!” Maaaring
pagtalunan na “ginawa silang ganoon” ng Diyos (na sila nilang panlaban upang
pangatwiranan ang kanilang perversion), nguni’t sa puntong pinahihintulutan
lang sila, at hdahil lang sa inaasahan Niyang gisingin sila upang magsisi at
maranasan ang kamangha-manghang habag Niya.
Hindi lamang ang mga
homosexual ang dapat nagtatanong niyon sa kanilang sarili. Inilista ni Pablo
ang maraming kasalanang nakabibilanggo na ebidensya ng paghatol ng Diyos sa
tumatangging manilbihan sa Kanya. Bilyong tao ang dapat magtanong sa kanilang
sarili tungkol sa kakatwang gawí nila. “Bakit ko kinamumuhian ang sarili kong
pamilya?” “Bakit ako nasisiyahan sa pagtsi-tsismis?” “Bakit hindi ako
nakukuntento sa kung ano ang mayroon ako?” “Bakit ako napipilitang tumingin sa
pornograpiya?” Hinayaan ng Diyos silang lahat upang maalipin ng kanilang diyos.
Siyempre, mapapalambot
ninuman ang kanyang puso kung kailan niya nanaisin, magsisi at manampalataya
kay Jesus. Ilan sa mga matitigas na makasalanan sa lupa ang nakagawa niyan, at
nilinis ng Diyos ang kanilang puso at pinalaya sila sa kanilang kasalanan! Habang
humihinga pa ang mga tao, binibigyan pa sila ng Diyos ng pagkakataong magsisi.
Walang Dahilan (No Excuses)
Ayon kay Pablo walang
dahilan ang mga makasalanan. Ibinubunyag nilang alam nila ang tama at mali
habang hinahatulan nila ang iba, kung gayon nararapat silang hatulan ng Diyos:
Kaya nga, sino mang
humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagka’t sa paghatol mo sa iba,
hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng
ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa
ng mga iyon. Akala mo ba’y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo
ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? O baka naman
gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil siya ay napakabait, mapagpigil at
mapagpaumanhin! (Ro. 2:1-4).
Sinabi ni Pablo na ang dahilan ng
kahinahunan ng Diyos ay upang bigyan ng pagkakataong magsisi ang mga tao. Dagdag
pa, sa pagpapatuloy ni Pablo, ibinunyag niyang ang tanging makakapagmana ng
kaharian ng Diyos ay mga nagsisisi at namumuhay nang banal:
Nguni’t sa katigasan ng
iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo
sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng
Diyos. Sapagka’t igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang ginawa.
Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng
mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang-kamatayan. Nguni’t
matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod
sa katotohanan kundi sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng
bawa’t gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego.
Nguni’t karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawa’t
gumagawa ng mabuti una an gang mga Judio at gayundin ang mga Griego (Ro.
2:5-10).
Malinaw na hindi aayon si
Pablo sa mga nagtuturong ang mga taong tanging “tumatanggap kay Jesus bilang
Tagapagligtas” ay binibigyan ng buhay na walang hanggan. Kundi, iyong mga
magsisisi at “sa pagpupursigi sa paggawa ng mabuti ang nakakahanap ng luwalhati
at karangalan at buhay na walang hanggan.”
Nguni’t hindi ba nito
ipinapakita na maipagpapatuloy ng mga tao ang kanilang relihiyon maliban sa
Cristianismo at maligtas basta’t magsisi sila at sundin ang Diyos?
Hindi, walang kaligtasan
kundi mula kay Jesus sa maraming kadahilanan, isa na rito ay, tanging si Jesus
ang makapagpapalaya sa mga tao sa pang-aalipin sa kanila ng kasalanan.
Nguni’t kung nais nilang
magsisi, paano nila matatawag si Jesus kung hindi pa sila nakakarinig ng
tungkol sa Kanya?
Ang Diyos, na nakaaalam ng
puso ng lahat ng tao, ang magbbubunyag ng Kanyang Sarili sa sinamang matapat na
naghahanap. Ipinangako ni Jesus, “Humanap kayo at kayo’y makakatagpo” (Mt.
7:7), at inaasahan ng Diyos ang lahat na hanapin Siya (tingnan ang Gw.
17:26-27). Kapag nakikita Niya ang isang taong may pusong tumutugon sa
walang-tigil Niyang pangangaral, ipapadala Niya sa taong iyon ang magandang
balita, tulad ng ginawa Niya sa taga-Etiopiang pinuno at ang sambahayan ni Cornelio.
Ni hindi nalilimita ang Diyos sa partisipasyon sa iglesia, na pinatunayan Niya sa pagbabagong-buhay ni Saul ngTarsus.
Kujng walang magdadala ng magandang balita sa isang matapat na naghahanap, pupunta
Mismo ang Diyos! Nakarinig na ako ng maraming kontemporanyong pangyayaring ang
mga tao sa saradong mga bansa ay nagbagong-buhay dahil sa nagkaroon sila ng
pangitain tungkol kay Jesus.
Kung Bakit Relihiyoso ang mga Tao (Why People
Are Religious)
Ang katotohanan ay
karamihan sa mga may huwad na relihiyon ay hindi matapat na naghahanap ng
katotohanan. Bagkus, relihiyoso sila dahil naghahanap lang sila ng katuwiran o
pantakip sa kanilang mga kasalanan. Habang patuloy nilang nilalabag ang
kanilang konsensya, nagtatago sila sa kasuotan ng relihiyon. Sa pagiging
relihiyoso, pinapaniwala nila ang kanilang sarili na hindi sila nararapat sa
impiyerno. Totoo rin ito sa relihiyosong “Cristiano” (pati na ang mga
pipitsuging Cristianong evangelical) at mga Buddhist, Muslim and Hindu. At
kahit na namumuhay sila sa kanilang relihiyon, hinahatulan sila ng kanilang
konsensya.
Kapag taimtim na yumuyukod
ang Buddhist sa harap ng kanyang mga diyus-diyosan o sa harap ng mga monk na
buong pagmamalaking nakaupo sa harap niya, sinasabi ng kanyang konsensyang
gumagawa siya ng mali. Kapag pinangangatwiranan ng Hindu ang kawalan niya ng
pakikiramay sa namatay na pulubi, na naniniwalang pinapahirapan ito ng mga
kasalanan niya sa mga nakaraang buhay, hinahatulan siya ng kanyang konsensya. Kapag
sang isang sukdulang Muslim ay pumugot ng isang “infidel” sa ngalan ni Allah, sinisigawan
siya ng kanyang konsensya dahil sa kanyang pumapatay na pagkukunwari. Kapag
tinipon ng “Cristianong” evangelical ang kanyang panlupang kayamanan, at
regular na nanonoon ng palabas sa telebisyon na puno ng kalaswaan, at
natsi-tsismis tungkol sa kapwa kasapi sa
iglesia, nagtitiwalang iniligtas siya ng pagpapala, hinahatulan siya ng
kanyang konsensya. Lahat nang ito ay halimbawa ng mga taong nais manatili sa
pagkakasala at nakatagpo ng mga paniniwalaang kasinungalingan sa relihiyon
upang patuloy silang magkasala. Ang “katuwiran” ng di napanariwa subali’t
relihiyosong tao ay lubhang napakababa kung ihambing sa inaasahan ng Diyos.
Sinasabi ng lahat ng ito na
hindi itinuturing ng Diyos ang mga sumusunod sa huwad na relihiyon bilang
ignoranteng taong kailangang kahabagan dahil kailanman ay di nila narinig ang
katotohanan. Ni hindi masisisi ang
iglesia sa hindi mahusa na pangangaral sa kanila.
Muli, bagama’t alam natin na nais ng Diyos na
ipangaral ng iglesia ang magandang
balita sa buong sanlibutan, dapat nating sundin ang pag-akay ng Kanyang
Espiritu kung saan “ang bukirin ay handa nang anihin” (tingnan ang Jn. 4:35), na
kinaroroonan ng mga taong nakahanda dahil tumugon ang kanilang damdamin sa
walang-patid na pagsisikap ng Diyos na abutin sila.
Prinsipyo #4 (Principle #4)
Isang panghuling
prinsipyong matututuhan natin mula sa mga katotohanang biblical na natalakay sa
kabanatang ito ay: Kung masugid na hinahatulan ng Diyos ang mga makasalanan sa pag-asang
mag-iiba ang kanilang damdamin, asahan natin na ang ilang makasalanan, pagkatapos
tiisin ang hatol ng Diyos o mamasdan ang pagtitiis ng iba, ay magbabagong-isip.
Kaya pagkatapos ng mga kalamidad, may pagkakataong abutin ang mga taong noon ay
di maabot.
Kailangang maghanap ang mga
Cristiano ng pagkakataong ipamahagi ang magandang balita sa mga lugar kung saan
nagtitiis ang mga tao. Ang mga taong namatayan ng mahal sa buhay kamakailan,
halimbawa, ay maaaring bukas sa gustong iparating ng Diyos. Noong nanilbihan
akong pastor, lagi kong sinusunggaban ang pagkakataong ipangaral ang magandang
balita sa mga libing, dahil inaalala ko ang sinabi ng Kasulatan na, “Mas
mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa bahay na may handaan, pagka’t
dapat alalahanin ng buháy na siya man ay
nakatakda ring mamatay (Mang.
7:2, idinagdag ang pagdidiin).
Kapag nagkakasakit ang mga
tao, nawawalan ng ikabubuhay, nasisira ang relasyon, o dinaratnan ng kalamidad
at marami pang pangyayaring kinalabasan ng kasalanan, kailangan nilang malaman
na ang kahirapan nila ay panggising. Sa pamamagitan ng paghihirap dito sa lupa,
sinusubukan ng Diyos na iligtas ang mga makasalanan mula sa walang hanggang
paghukom.
Sa Pagbubuod (In
Summary)
Ginagampanan ng Diyos ang
karamihan sa gawain ng pagtatatag ng Kanyang kaharian. Ang tungkulin natin ay
mahusay na makipagtulungan sa Kanya.
Lahat ng mananampalataya ay
dapat mamuhay nang banal at masunuring buhay na umaakit ng atensyon ng mga nasa
kadiliman, at dapat silang laging handang depensahan ang pag-asang nasa
kanilang kalooban.
Laging hinihikayat ng Diyos
ang lahat ng tao upang lumambot ang kanilang puso at magsisi, palagiang
nakikipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga nilikha, konsensya at kalamidad,
at kung minsan ay sa tawag ng magandang balital.
Alam ng mga makasalanan na
sinusuway nila ang Diyos, at mananagot sila sa Kanya kahit hindi nila kailanman
narinig ang magandang balita. Ebidensiya ng kasalanan ang katigasan ng kanilang
ulo. Ang lumalalang pagkalugmok nila sa kasalanan ay patunay ng poot ng Diyos
sa kanila.
Ang mga relihiyosong tao ay
hindi nangangailangang naghahanap ng katotohanan. Malamang na
pinangangatwiranan nila ang kanilang kasalanan sa paniniwala ng kasinungalingan
ng kanilang relihiyon.
Alam ng Diyos ang kalagayan
ng puso ng bawa’t tao. Bagama’t maaari Niya tayong akayin upang ipamahagi ang
magandang balita sa mga hindi bukas, malamang na higit Niya tayong inaakay sa
mga bukas sa magandang balita.
Habang gumagawa ang Diyos
upang baguhin ang tao sa pamamagitan ng kanilang mga pagsubok, dapat nating
sunggaban ang mga pagkakataong iyon upang ipangaral ang magandang balita.
Nais ng Diyos na dalhin
natin ang magandang balita sa buong sanlibutan, nguni’t nais Niya tayong
sumunod sa Kanyang Espiritu habang ninanais nating tuparin ang Dakilang
Komisyon, na inilarawan sa akalat ng Mga Gawa.
Ihahayag ng Diyos ang
Sarili Niya sa sinumang matapat ang pagnanais na makilala Siya. Nais ng Diyos
na aayon ang mensahe natin sa mensahe Niya.
Isang araw magkakaroon ng kinatawan sa bawa’t grupong
etnikong sumasamba sa trono ng Diyos, at dapat nating gampanan ang ating
tungkulin sa pakikipagtulungan sa Diyos upang tuparin iyon. Kung gayon, lahat
ng anak ng Diyos ay dapat magpakita ng pag-ibig ni Cristo sa bawa’t kasapi ng
grupong etnikong nakikilala nila. Maaaring akayin ng Diyos ang ilan sa Kanyang
mga tagasilbi upang ispesipikong puntiryahin ang mga tao sa iba’t ibang
kultura, sa pamamagitan ng pagpapadala at pagsuporta ng mga nagtatanim ng iglesia, o sa mismong pagpunta. Dapat lumikha
ng alagad ang mga naipadala, at patunayan ang sarliing mga ministrong
tagalikha-ng-alagad!
Pangwakas sa mga Salita (Final Words)
Nagpapasalamat akong
pinahintulutan tayo ng Diyos upang ipalimbag ang aklat na ito sa inyong wika at
pahintulutan kayong magkaroon ng kopyang babasahin. Umaasa akong ito’y pagpapala sa inyo. Kung gayon,
maaari bang sulatan ninyo ako at sabihin sa akin? Ingles lang ang nababasa ko, kaya kailangan n’yo akong
sulatan sa Ingles o ipasalin ninyo sa Ingles ang inyong sulat bago ninyo
ipadala sa akin!
Ang pinakamainam na paraan
upang maabot ako ay padalhan ako ng e-mail, at ang e-mail address ko ay: tdmm@shepherdserve.org. kung wala kayong e-mail, maaari rin ninyo akong sulatan
sa aking address sa ministeryo, nguni’t depende sa kung kailan ninyo natanggap
ang aklat na ito, maaari nang nagbago. Gayumpaman, sa taong 2006 ay: Shepherd
Serve, P.O. Box 12854, Pittsburgh, PA
15241 USA.